-- Advertisements --

Oobligahin ng Commission on Elections (Comelec) si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na humarap sakaling maihain na ang election case laban sa kaniya.

Kasalukuyan kasing gumugulong ang imbestigasyon ng poll body kaugnay sa kandidatura ng suspendidong alkalde noong 2021-2022 matapos mabunyag ang mga detalye ng kaniyang kwestyonableng pagkatao at nasyonalidad.

Paliwanag ni Comelec chairman George Erwin Garcia kapag sasagutin ng isang inaakusahan ang mga alegasyon laban sa kaniya, kailangan nitong maghain ng counter-affidavit at hindi ito maaaring gawin ng kaniyang abogado dahil ang akusado ang dapat na maghain at manumpa para sa authenticity ng affidavit.

Balak naman ng Comelec na puntahan ang local registrar ng Bamban, Tarlac kung saan prinoseso ni Guo ang kaniyang certificate of candidacy noong 2021 at nanalo bilang alkalde noong May 2022 election.

Kabilang din sa imbestigasyon ng poll body ang pagsuri sa 2 sets ng fingerprints ni Guo sa Comelec database na nakuha sa nakalipas na 2 halalan.

Target naman ng Comelec Chairman na ilabas ang report ng komisyon kaugnay sa kaso ni Guo bago ang pagsisimula ng filing ng COC sa Oktubre 1 hanggang 8.

Sa ngayon nga ay hindi pa rin batid ang kinaroroonan ni Guo matapos na hindi matunton at maaresto nang isilbi ng Senate Sergeant at arms ang arrest order laban sa alkalde dahil sa kabiguang dumalo sa pagdinig kaugnay sa ni-raid na POGO hub sa kaniyang bayan sa Bamban na sangkot sa mga ilegal na operasyon.