-- Advertisements --

Personal na dumalo si dismissed Bamban, Mayor Alice Guo kasama ang kaniyang legal counsel na si Atty. Stephen David sa pagdinig ng kaniyang deportation case sa Bureau of Immigration (BI) ngayong Biyernes, Nobiyembre 15.

Dito, hiniling ng BI kay Guo na patunayang mali ang findings ng National Bureau of Immigration (NBI) na siya ay isang Chinese national at hindi Pilipino.

Personal na inisyu ni BI Board of Special Inquiry Chairman Gilbert Repizo ang naturang direktiba kay Guo kung saan binigyan ito ng 15 working days para hamunin ang findings ng NBI nang may expert testimony o opinion.

Matatandaan, nag-ugat ang deportation case ni Guo mula sa isinagawang pagsusuri ng NBI sa fingerprint ng dating alkalde at Chinese passport holder na si Guo Hua Ping kung saan lumabas na iisang tao lamang.

Bilang tugon, nagsumite ang abogado ni Guo ng memorandum sa board na nagsasabing may depekto umano ang isinagawang examination ng NBI.

Ipinunto ni Atty. David na dapat magsagawa ng deportation proceedings ang BI sa oras na magpasya ang korte na fraudulent o peke ang birth certificate ni Guo.