-- Advertisements --

Inihayag ng abogado ni dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo na si Atty. Nicole Jamilia na pinag-iisipan pa ng pinatalsik na alkalde kung maghahain ito ng kandidatura para sa 2025 National and Local elections.

Ayon kay Atty. Jamilia, ikinokonsidera ni Guo kung paano mangyayari ang paghahain nito ng Certificate of Candidacy para sa susunod na halalan ngayong naka-detain ito.

Maliban pa rito, ikinokonsidera rin daw ni Guo ang mga naiwan nitong “unresolved issues” sa Bamban, Tarlac na kaniyang pinamunuan dati at ang mga residente na malaki ang suporta sa kaniya hanggang ngayon.

Samantala, ayon kay Bureau of Jail Management and Penology spokesperson, Supt. Jayrex Bustinera, sakaling makapagdesisyon na maghain si Guo ng kandidatura at may court order ay ilalabas nila si Guo at titiyakin nilang magiging ligtas ang proseso.

Matatandaan, na sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na base sa batas ay maaari pa ring maghain ng COC si Guo.

Si Guo ay kasalukuyan ngayong naka detain sa Pasig City Jail sa kustodiya ng BJMP.