Posibleng sa Southeast Asian region na ‘Golden Triangle’ ang huling destinasyon ng sinibak na si dating Bamban Mayor Alice Guo ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio.
Ang Golden Triangle ay special economic zone na matatagpuan sa mga borders ng Laos, Myanmar, at Thailand na notorious sa illegal at criminal activities.
Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, ibinunyag ng PAOCC official na mayroong business o gambling interest sa Cambodia ang pamilya ni Guo kaya ito umano ang pinakaligtas na maaaring puntahan sa ngayon ng dating alkalde.
Parte din aniya ng malaking grupo ng mga sindikato ang pamilya Guo na tinatawag na Fujian Gang na kabahagi ng Golden Triangle triad.
Samantala, inamin din ni Casio na magiging mahirap na para arestuhin si Guo sa oras na makarating ito sa Golden Triangle dahil mayroong giyera doon.
Sa ngayon, inaantay pa ng mga awtoridad sa Pilipinas na mag-isyu ng arrest warrant ang Department of Justice laban kay Guo para mai-coordinate sa International Criminal Police Organization (Interpol) para makapag-isyu ito ng red notice.