-- Advertisements --

Tinawag ni Senadora Risa Hontiveros na “professional scam artist” si dismissed Bamban mayor Alice Guo o Guo Hua Ping matapos na isiwalat ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi tugma ang pirma ni Guo sa lagda sa kanyang counter-affidavit.

Pinaalala ni Hontiveros na sa naging pahayag ng dating alkalde at ng kanyang mga abogado, pumirma siya ng counter-affidavit bago tumakas ng bansa.

Isa na naman aniyang kasinungalingan ito ni Guo na dagdag sa patong-patong niyang mga kasinungalingan.

Giit ng senadora, dapat managot din ang mga abogado at imbestigahan hindi lamang ng Department of Justice (DOJ) kundi maging ng Integrated Bar of the Philippines.

Sa panig naman ni Senador Joel Villanueva, sinabi nitong hindi na nakagugulat ang natuklasan ng NBI.

Ano pa raw ba ang aasahan sa mga kriminal na sa simula pa lamang ay nagsinungaling na.

Iginiit ng mambabatas na dapat nang managot si Guo sa kanyang mga kasalanan sa batas kasama na ang kanyang mga kasabwat.