-- Advertisements --

Nanindigan si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping na hindi siya spy ng China.

Ito’y makaraang maungkat sa Quad Committee hearing ang pagiging Chinese asset nito, base sa salaysay ng isa ring spy na nasa Thailand.

Sa isang documentary, lumabas ang umano’y larawan na kahawig ni Guo at binanggit pa ang pangalang Guo Hua Ping.

Maging ang sinasabing campaign fund na hiningi raw ng sinibak na alkalde para sa kampanya noong nakaraang halalan ay inusisa rin.

Pero mariin itong pinabulaanan ng dating Bamban mayor, dahil hindi raw siya nanghingi ng pondo para sa kaniyang political campaigns.

Samantala, bagama’t hindi pa raw niya alam kung paano ang kanilang magiging legal action, balak nilang magdemanda laban sa isang international network na naglabas ng nasabing video.

Ikokonsulta umano niya sa kaniyang mga abogado ang posibleng hakbang ukol dito.