KORONADAL CITY – Naging matagumpay ang rido settlement na isinagawa upang matuldukan na ang alitan sa pagitan ng apat na angkan sa Aleoson, Cotabato na kabilang na sa Special Geographical Area ng Bangsamoro Autonomous Region.
Ito ang inihayag ni Bangsamoro Transition Authority Member of Parliament Mohammad Kelie Antao Alhadj kung saan naging matagumpay ito sa tulong ng Ministry of Public Order and Safety (MPOS) katuwang ang iba pang stakeholders.
Ayon kay Antao, tinuldukan na ng Quizon, Abo, Mamantal at Sampayan ang kanilang alitan sa isinagawang rido settlement sa Sitio Mateo, Barangay Dungguan, Aleosan.
Dahil sa sigalot sa pagitan ng nabanggit na mga pamilya marami nang buhay ang nasayang dahil sa patayan.
Ang hindi pagkakasundo sa pagitan ng pamilya Mamantal at Sampayan ay nag-ugat sa agawan ng lupa na nagdulot ng ilang insidente nang bakbakan.
Nagdesisyon umano ang mga sangkot sa ‘rido’ na tapusin na ang ano mang hindi magandang namamagitan sa kanila.
Napag-alaman na sumaksi sa naturang pagtitipon sin 118th Base Command Commander Ustadz Abdulwahid Tundok, 105th Base Command Deputy Commander Haon Sindatok, Field Guard Base Command, Commander George Kasim, Commander Saguia at marami pang iba.
Nanawagan din sila sa lahat na makipagtulungan sa gobyerno upang hindi na maulit pa ang insidente.