-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Natuldukan na ang alitan ng dalawang pamilya sa Cotabato City matapos isinagawa ang Rido Settlement sa People’s Palace, Cotabato City.

Isang mahalagang aksyon ang ginampanan sa tulong ng Joint Task Force Kutawato, 6th Civil-Military Operations, Cotabato City Police Office, City Government of Cotabato, BARMM Government at mga stakeholder ay napagkasunduan ng dalawang pamilya nina Edris Ayunan, Barangay Chairman ng Kalanganan 2 at Robinson Balabaran, Brgy. Chairman ng Mother Tamontaka na hintuan ang kanilang alitan.

Naging saksi sa mahalagang kaganapan sina JTF Kutawato Commander Colonel Glenn Loreto Caballero, 6CMO Battalion Commander Lt. Col. Dennis Almorato, PCol. Querubin Manalang, Cotabato City Police Office Director, City Mayor Bruce Matabalao at mga Deputy Mayors na sina Hadji Abdullah Andang – Mayor for Muslims, Art Thomas Calingasan – Mayor for Christian Settlers, Jun Panalag – Mayor for IP Community at Narciso Co Yu Ekey – Mayor for Chinese Community.

Nagpapasalamat si Joint Task Force Central at 6th Infantry Division Commander, Major General Roy Galido sa sinseridad ng dalawang grupo na ayusin ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan sa mapayapang paraan at natapos ang simpleng seremonya ng magkamayan ang magkabilang panig.

Napaka-timely aniya ng settlement dahil ino-obserba ang National Peace Consciousness Month na may temang “Pagkakaisa at Paghilom: Isang Bansa para sa Kapayapaan”.

Ito ay naglalayong ipaalala sa mga Pilipino na sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan, makakamit ng bansa ang tunay at pangmatagalang kapayapaan.

Umaasa rin siya na lahat ng iba pang nag-aaway na angkan sa loob ng area of responsibility ng JTF Central at 6ID ay maghahangad din ng maagang pagresolba sa kani-kanilang mga tunggalian.