ILOILO CITY – Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang kahilingan ng Iloilo City Government na isiilalim ang lungsod sa Alert Level 1.
Ito ay naging epektibo ngayong araw at magtatagal hanggang sa Marso 15.
Matandaan na noong Martes, hiniling ng Iloilo City Goverment na babaan ang classification status ng lungsod.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na mismo si National Task Force against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon ang nagkumpirma ng nasabing impormasyon.
Anya, mismo si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang nagbigay ng kapangyarihan sa alkalde na ianunsyo ang desisyon ng IATF.
Inamin naman ng alkalde na nagkasagutan pa sila ng mga opisyal ng IATF at nagmura pa bago inaprubahan ang kanyang hiling.
Ayon sa alkalde, halatang pinahirapan pa sila ng NIATF dahil sinabi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing III na sa Marso 15 pa inanunsyo ang bagong alert level status.
Naniniwala naman ang alkalde na pinopolitika lang siya ng mga matataas na opisyal ng gobyerno dahil na rin sa kanyang political color.
Nanindigan naman ang alkalde na ipaglalaban niya ang karapatan ng lungsod at nakahanda siyang makipag-away sa mga matatas na opisyal ng gobyerno.
Sa ilalim ng alert level 1, 100% na ang lahat ng capacity, tatanggalin na ang plastic barrier, hindi na ipapatupad ang “no vaccination, no entry” policy sa mga malls at opisina, at hindi naman kailangan ang S-Pass system sa mga byahero.