KORONADAL CITY- Magbibigay ng reward money ang alkalde ng Pikit, North Cotabato sa sinumang makapagtuturo sa mga suspek sa pamamaril sa mga estudyante na kung saan nagresulta sa pagkapatay ng isa at pagkasugat naman ng apat pang kasamahan nito.
Ito ang inihayag ni PCol. Harold Ramos, Provincial Director ng North Cotabato Police Provincial Office.
Ayon kay Col. Ramos, mayroon na silang mga persons of interest sa nangyaring sunod-sunod na shooting incident at gumagawa na ng paraan ang LGU Pikit kasama ang Pikit PNP, North Cotabato Police , at PR 12 para agad na mahuli ang mga salarin.
Samantala, ipapatupad naman ang total gun ban kasunod ng halos araw-araw na shooting incidents na naitatala sa bayan ng Pikit, North Cotabato.
Ito ang napagkasunduan sa isinagawang Emergency Meeting on Public Safety, Peace and Order na pinangunahan ng local government unit.
Inirekomenda din ng PNP, AFP, at mga Barangay officials ang mahigpit na implementasyon ng kap-kap bakal sa lahat upang makontrol ang pagdadala ng mga di lisensiyadong baril mula sa mga lawless persons.
Dagdag pa ng opisyal, paiigtingin din ang paglulunsad ng mga check points sa entrance at exit points na madalas daanan ng mga suspek sa pamamaril.
Sa ngayon, nanawagan naman ang opisyal ng pagkakaisa at hiniling na tumulong sa pagbibigay ng impormasyon sa mga otoridad upang mabilis na matunton at maresolba ang mga kaso ng karahasan sa kanyang bayan.