TACLOBAN CITY – Ipinahayag ng alkalde ng Baybay City sa lalawigan ng Leyte na sa ngayon ay retrieval na lamang ang kanilang ginagawang operasyon sa ilang mga barangay sa kanilang lungsod kung saan nangyari ang malawakang mga landslides dahil pa rin sa epekto ng bagyong Agaton.
Ayon kay Mayor Carlos Cari ng Baybay City, patuloy ang retrieval operation sa Brgy. Bunga at Kan-Ipa kung saan halos matabunan ang mga ito ng landslides.
Sa ngayon ay aabot na 37 ang bilang ng mga casualties sa kanilang lungsod kasama na ang isang biktima na nagtamo ng head injury at binawian naman ng buhay sa ospital.
Itutuloy naman ngayon ang search and rescue operations sa Brgy. Kantagnos kung saan pinaniniwalaang may ilan pang mga survivors.
Aminado ang alkalde na pahirapan ang kanilang ginagawang operasyon dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan at delikado ang pagpunta o pagpasok sa nasabing mga barangay na pinangyarihan ng mga landslides.
Patuloy rin ang kanilang ginagawang head count sa kanilang lugar upang matukoy kung ilan pa ang mga missing na mga biktima.
Sa ngayon ay isinailalim na sa state of calamity ang buong lungsod dahil sa naging epekto ng bagyong Agaton.
Ilan sa mga survivors ng landslides ay nananatili sa mga ospital at ang ilan naman ay nasa mga evacuation centers.
Ayon pa kay Mayor Cari, posibleng matagalan pa ang pananatili ng mga ito sa mga evacuation centers lalo pat wala nang babalikan na mga bahay ilan sa mga biktima.