Naghain ng criminal case ang National Bureau of Investigation-Central Visayas laban sa alkalde ng Dalaguete, Cebu, ilang private contractor at iba pang personalidad sa Office of the Ombudsman-Visayas.
Inakusahan ng NBI-7 ang mga respondents na lumabag sa Republic Act o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Article 217 ng Revised Penal Code at grave misconduct sa ilalim ng RA 6713 o mas kilala sa tawag na Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officers and Employees.
Hiniling ng ahensya na imbestigahan ang mga respondents na sila Dalaguete Mayor Ronald Allan Cesante, Expedizitas Lenares, James Osorio, Sergio Bendulo Jr., Juan Paulo Castillo, Fortunato Sanchez Jr., Alfredo Lua, Mylene Sanchez, Ida Sanchez, Angelica Marie Lua, at Kim Sanchez.
Ayon sa ahensya, si Osorio ay engineer ng Municipal Engineering Office na pinamumunuan ni Lenares.
Si Bendulo naman ang nagsisilbing chief ng construction section ng Department of Public Works and Highways-Central Visayas.
Ang iba pang mga respondents ay may posisyon at empleyado ng Socor Construction Corp.
Nag-ugat ang kaso matapos na maghain ng reklamo si Engr. Ildebrando Almagro na dating empleyado ng lokal na pamahalaan ng Dalaguete.
Sa reklamo ni Almagro ay sinabi nitong may nangyaring anumalya sa road concreting project sa isang barangay ng bayan.
Nai-award rin aniya sa nanalong bidder na Socor Construction Corp. ang P9.6-million na halaga ng proyekto.
Sa halip aniya na ang nanalong bidder ang gumagawa ng trabaho at mag provide ng equipment at manpower, ang munisipyo ang gumawa ng aktwal na trabaho bagamat nakuha na ng pribadong kumpanya ang bayad para sa proyekto.
Matapos ang imbestigasyon ng NBI-7 , kumbensido ito na nagkaroon ng anomalya at paglabag ang mga respondents at sinabing ang mga modus operandi na ito ng ilang opisyal ng LGU Dalaguete ay hindi na bago NBI-CEVRO.
Mariin namang pinabulaanan ni Cesante ang naturang akusasyon laban sa kanya.