-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Humihiling ng agarang tulong mula sa national government agencies ang lokal na pamahalaan ng Dimasalang, Masbate para sa mga naapektuhang residente ng pananalasa ng Bagyong Jolina.

Binayo ng malakas na bugso ng hangin at mga pag-ulan ang bayan sa ikaanim na landfall ng bagyo kahapon ng umaga.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Mac Naga, paunti-unti nang dumarating ang mga ulat mula sa iba’t ibang barangay.

Pahirapan lamang ang pag-alam sa sitwasyon ng ilan pang nasa upland barangays dahil sa mga nakaharang na humambalang na puno at poste ng kuryente sa daan na ngayo’y isinasailalim na sa clearing operations.

Nagtamo ng minor damages ang ilang imprastraktura habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura.

Karamihan umano sa mga nagtamo ng pinsala ay kabahayan partikular na sa mga barangay na inabot ng baha na sinabayan ng high-tide kaya’t nakapagtala rin ng mga bangkang nasira.

Nakikipag-ugnayan na rin sa mga ahensya kagaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa validation at coordination sa mga partially at total damaged houses, gayundin sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa tulong sa mga mangingisda.