TACLOBAN CITY – Sinuspinde ng anim na buwan ng Office of the Ombudsman ang Alkalde ng Guiuan, Eastern Samar matapos na maharap sa imbestigasyon dahil sa maanomaliyang paggamit ng pondo na para sa Super Typhoon Yolanda post-rehabilitation.
Batay sa pinirmahang order ni Ombudsman Samuel Martires nakitaan ng anti-graft office ng sapat na basehan para suspendihin si Mayor Christopher Sheen Gonzales matapos ang isinagawang evaluation ng mga dokumento na isinumite ng Visayas field investigation bureau.
Maliban sa naturang alkalde suspindedo din sa loob ng kalahating taon sina municipal accountant Adrian Bernardo, municipal treasurer Felicisima Bernardo, Bids and Awards Committee (BAC) chair at municipal engineer Arsenio Salamida, BAC vice chair Esperanza Cortin, at BAC members Danilo Colandog, Gilberto Labicante, Ma. Nenita Ecleo, Felipe Padual at Zosimo Macabasag.
Nanindigan naman ang Ombudsman na may malakas na ebidensiyang nagpapatunay na ang mga nasasakdal ay gulity sa grave misconduct and gross neglect of duty.
Lumalabas na walang kaukulang dokumento galing sa mga contractors ng rehabilitation projects na nagpapatunay na mayrong technical, legal and financial competence sa isinagawang pagpapaayos ng municipal hall, public market at 89 barangay facilities sa Guiuan.
Maalala na ang Guiuan ang isa sa mga pinakanasalanta noong super typhoon, kun saan nasa 7,000 katao ang naitalang patay o missing.