Hinuli ng mga sundalo ng Russia ang alkalde ng kabisera ng Melitopol sa southern Ukraine.
Ito ay kinumpirma ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky sa kaniyang video message kung saan kaniyang inilarawan si Melitopol Mayor Ivan Fedorov bilang isang alkalde na matapang na ipinagtanggol ang Ukraine at mga mamamayan ng kaniyang nasasakupan.
Sa statement ng Ukraine parliament, kinumpirma nito na dinakip si Melitopol Mayor Fedorov ng isang grupo ng mga nasa 10 Russian invaders matapos umanong tumanggi ang alkalde na makipag-cooperate sa mga kalaban.
Dinukot aniya ang alkalde habang ito ay nasa crisis center ng kaniyang pinamumunuang kabisera habang inaayos ang ilang supply issues. Nakuhanan sa isang CCTV footage ang pagdakip ng mga sundalo ng Russia kay Fedorov.
Ayon kay Zelensky, ang pagdakip sa alkalde ay tanda ng pagiging mahina ng mga Russian invaders kung saan pisikal na aniya nilang pinupuksa ang mga lehitimong local Ukrainian authorities.
Isa aniya itong krimen laban sa demokrasya na maihahalintulad sa mga gawain ng mga Islamic State terrorists.
Nauna nang ibinulgar ng Ukrainian parliament na isang regional official ang deputy head ng regional council ng Zaporizhzhia na 75 miles hilaga ng kabisera ng Melitopol ang dinakip ng mga Russian invaders saka pinalaya kamakailan lamang.