CENTRAL MINDANAO – Aabot sa 472 na mga frontliners mula sa PNP, BJMP, BFP at Human Resource for Health at mga empleyado ng lokal na pamahalaan ang tumanggap ng bigas mula sa lokal na pamahalaan ng Kabacan, Cotabato.
Ayon kay Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr batid nito na walang makakapantay sa sakripisyong inialay ng bawat isa sa pagbabantay araw at gabi upang mailigtas ang bayan sa pandemic.
Ang bigas ay pasasalamat sa bawat isa na hiling ng alkalde ay kahit papaano ay makatulong sa pamilya ng bawat isang frontliner.
Pinaghandaan naman ng LGU-Kabacan ang pagtatapos ng General Community Quarantine (GCQ) sa Mayo 15 dahil ang probinsya ng Cotabato ay napabilang sa low risk areas.
Nilinaw ni Mayor Guzman Jr na hindi dapat magpakapante at laging mag-iingat, panatilihin ang paggamit ng facemask at pagpapatupad ng social distancing.
Sa ngayon ay pinag-aaralan pa ng Cotabato Inter-Agency Task Force on COVID-19 ang mga hakbang sa pagtatapos ng GCQ.