-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nakapagparehistro na si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista , mga opisyal at kawani ng City Government of Kidapawan sa Philippine National Identification System.

Inabot lamang ng 2-3 minuto ang alkalde ganundin ang karamihan sa mga nagparehistro sa Philippine ID system na ginanap sa City Convention Center kung saan ay pinangasiwaan ng Cotabato Field Office ng Philippine Statistics Authority o PSA.

Malaki ang benepisyo ng National ID lalo na at maliban sa may opisyal na pagkakakilanlan ang bawat Pilipino, mas madali na rin silang makatanggap ng tulong o serbisyo mula sa National Government, ayon sa PSA.

Gagawin ng ahensya ang pagpapatala ng mga empleyado ng Lokal na Pamahalaan mula July 26 – July 30, 2021 sa nabanggit na lugar.

Sa mga nais namang magpatala, mangyaring magpakita lamang ng isang valid o government issued ID gaya ng Employee ID, Drivers License, UMID/GSIS Card, Passport, Postal, Philhealth, PRC etc, o di kaya ay birth certificate na inisyu ng PSA.

Kukunin ng kawani ng PSA ang kumpletong pangalan, birthdate, address, contact number at blood type ng magpapatala.

Kukunan din ng fingerprints, retinal scan, at larawan ang magpapatala.

Hindi papayagan ang pagsuot ng mga kwintas, hikaw o ano mang palamuti sa bandang leeg, tenga at sa mukha.

Bawal din ang makapal na make-up at dapat nakatali ang buhok na mahaba at nakalabas ang tenga habang kinukunan ng larawan.

Matapos nito ay magbibigay ng print-out ang PSA sa nagpatala kung saan ay nakalagay dito ang address na paghahatiran ng kanyang National ID sa loob ng 2-3 months pagkatapos ng registration.

Pinapayuhan ng PSA ang publiko na magpatala na sa kanilang opisina na matatagpuan sa Alim Street, Barangay Poblacion Kidapawan City.