BUTUAN CITY – Iimbestigahan ng Special Investigation Task Group (SITG) Apolinario si Mayor Roberto ‘Jimmy’ Luna ng Lingig, Surigao del Sur upang malaman ang koneksyon nito sa Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International Incorporated lalo na kay KAPA founder Joel Apolinario.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni PLtCol. Choli Jun Caduyac, regional chief ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Caraga, na pupuntahan nila ngayong Lunes o kahit na anumang araw sa susunod na linggo, ang bayan ng Lingig kung saan nahuli si Apolinario at 25 pa nitong mga tauhan kasama na ang kanyang asawang si Reyna.
Ito’y upang masama sa imbestigasyon si Mayor Robert ‘Jimmy’ Luna upang malaman ang koneksyon nito sa mga property kung saan isinagawa ang joint law enforcement operation laban kay Apolinario.
Base kasi sa inisyal na impormasyon na nakalap ng Bombo Radyo Butuan, nakapangalan umano sa nasabing alkalde ang property kung saan nakatayo ang mansyon ni Apolinario.
Dagdag pa ni Caduyac, kasama sa kanilang iimbestigahan kung paano nagawang magtayo ni Apolinario ng private armed group. Matapos kasi ang bakbakan sa pagitan ng dalawang kampo ay nakumpiska ng mga otoridad ang mga short at high-powered firearms pati na ang iba’t ibang uri ng mga bala at mga war materials kasama na ang rocket propelled grenade.