-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagpalabas na ng desisyon ang Commission on Elections (COMELEC) en banc na nagdi-diskwalipika kay Legazpi City Mayor Geraldine Rosal sa pagkapanalo nito sa nagdaang 2022 local elections.

Kaugnay ito ng reklamong isinampa ni Joseph San Juan Armogilla dahil sa pamimigay ng cash aid ng opisyal sa mga senior citizens at tricycle drivers sa panahon ng eleksyon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay COMELEC Bicol Director Atty. Ma. Juana Valeza, nilabag umano ng opisyal ang section 261 ng Omnibus election code ng mamigay pa rin ito ng cash aid sa panahon ng eleksyon, bagay na nakaimpluwensya sa desisyon ng mga botante.
Maaari naman umanong i-apela ng opisyal ang desisyon sa Supreme Court.

Nakalagay din sa desisyon ng COMELEC en banc na ang kandidato na nakakuha ng pangalawang pinakamataas na boto na si Alfredo Garbin Jr. ang uupo bilang alkalde ng lungsod.

Maaalalang una ring nadiskwalipika at napaalis sa pwesto ang asawa ni Mayor Geraldine na si dating Albay Governor Noel Rosal dahil sa kaparehong reklamo ng pamimigay ng cash aid.