NAGA CITY – Kasalukuyan nang naka-home quarantine ang alkalde ng Lupi, Camarines Sur gayundin ang buong pamilya nito.
Ito’y matapos magpositibo ang mismong alkalde sa COVID-19.
Sa ibinabang opisyal na pahayag ni Lupi Mayor Lilian “Gagay” Matamorosa, sinabi nito na nagpositibo ito sa RT-PCR Test na isinagawa noong Hunyo 17, 2021.
Ngunit nagtataka ang alkalde, kung saan nito nakuha ang nasabing sakit.
Kaugnay nito, hindi muna pinapayagan ang mga ito na tumanggap ng mga bisita.
Samantala, hinikayat naman ni Matamorosa ang mga empleyado maging ang mga kaibigan nito na nakasalamuha nito noong Hunyo 7, hanggang Hunyo 12, 2021 na magsumite ng kanilang mga pangalan sa RHU-Lupi at MDRRM para sa contact tracing.
Sa ngayon, panawagan na lamang ni Matamorosa sa buong Munisipyo ng Lupi lalo na sa mga empleyado nito na huwag na munang magbukas ng kanilang mga opisina hanggang sa susunod na linggo.
Sa kabila nito, plano rin ng alkalde na pansamantalang magpatupad ng work from home arrangement.