Hindi raw tututol si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano kung sakali mang ilagay sa mas mahigpit na community quarantine ang lungsod.
Kasunod na rin ito ng pagsirit sa naitatalang kaso ng COVID-19 cases sa Pasay.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines sa alkalde, sinabi nito na noong natanggap nila ang balita mula sa Department of Health na nakapagtala ng South African variant ng COVID-19 ang lungsod ay kaagad itong inaral ng lokal na pamahalaan.
Subalit paglilinaw ni Mayor Calixto-Rubiano na wala sa kanila ang desisyon nang pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Pasay City.
Tiningnan din aniya nila ang posibilidad na hindi lamang ang Pasay City ang maaapektuhan sa MECQ ngunit gayundin ang buong National Capital Region (NCR) at ekonomiya ng Pilipinas dahil nagsisilbing travel hub ang Pasay City.
Ang nasabing lungsod kasi ay sentro ng paliparan, Metro Rail Transit (MRT), Light Rail Transit (LRT), at mga bus stations.
Dagdag pa ng alkalde na nakasalalay na sa Inter-Agency Task Force kung itutuloy ang nasabing plano.