Inihayag ni San Juan City Mayor Francis Zamora na bukas sila sa pakikipag dayalogo matapos na mabunyag sa senado ang usapin hinggil sa ayuda scam.
Kaugnay nito, nanindigan ang alkalde na walang anomalya sa pamamahagi nila ng ayuda sa mga mahihirap na residente ng kanilang lungsod.
Ito ang naging tugon ni Zamora sa ginawang pagbubunyag ni Sen. JV Ejercito sa kaniyang privilege speech hinggil sa umano’y ayuda scam.
Ayon kay Zamora, nakarating na sa kanyang opisina ang naturang isyu at nanindigan ito na malinis ang kaniyang konsensya.
Hinimok rin nito ang mga indibidwal na kabilang sa mga ipinalabas na video na ipinakita sa senado ng humarap at makipag usap sa kanila.
Layon nito na maging malinaw ang mga isyu na ibinabato laban sa kanilang lokal na pamahalaan.
Sinabi naman ni Zamora na mananatiling bukas ang kanyang tanggapan para linawin ang naturang isyu at naniniwala rin ito na pulitika ang nasa likod ng usapin na ito.