Sinampahan ng panibagong kasong plunder at graft si San Pedro City Mayor Art Francis Joseph Mercado at ang kanyang konseho.
Ang mga reklamo laban sa grupo ni Mercado ay isinampa ni dating San Pedro City hall Public Order and Safety Office employee Jason Vierneza sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay Vierneza, dismayado siya kay Mercado at sa city council nito dahil sa pagbili ng 22,500 square-meter property na lupa sa barangay Landayan nang walang kaukulang plano at legal proceedings.
Sa 14 na pahinang complaint ni Vierneza, lumalabas na ang parcel land ay nabili ng P135-Million o P6,000 kada square-meter.
Aniya, apektado silang mga residente ng barangay Landayan dahil ang pagtatambak ng mga lupa sa lote ay nagdulot ng malawakang pagbaha sa kanilang lugar.
Overpriced din aniya ang nasabing lupain dahil ang tunay na halaga lamang nito ay P29.5-million pesos.
Una na ring sinampahan ng kasong plunder at graft sa Ombudsman ang grupo ni Mercado dahil sa pagbili rin nito ng sinasabing overpriced na lupa sa Barangay Laram.