-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nahaharap sa mga kasong administratibo ang alkalde ng Boliney, Abra dahil sa pagkabigo nitong sumunod utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin at tanggalin ang lahat ng mga obstructions at ibalik sa mga motorista ang mga kalsada sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Department of the Interior and Local Government (DILG)-Cordillera Regional Director Engr. Marlo Iringan, sinabi niyang tatlong kategorya ang hindi nasunod ng local government unit (LGU) ng Boliney sa pamumuno ni Mayor Benido Balao-as Sr.

Nabigo aniya ang Boliney LGU na magsumite ng inventory ng mga provincial, municipal at barangay roads, magsagawa ng actual clearing operations matapos makitaan ng mga extended canopies ang isang provincial road sa Boliney at ang nabigo pa sila sa pagbuo ng grievance and feedback committee.

Aniya, “poor” ang rating ng Boliney LGU batay sa validation at assessment sa pagsunod ng mga ito sa mga nakatakdang standards ng nationwide road-clearing drive.

Dinagdag niya na bago naisampa ang gross neglect of duty at grave misconduct kay Balao-as at iba pang alkalde sa bansa ay nabigyan ang mga ito ng pagkakataon na magpaliwanag sa naging performance ng mga ito.

Gayunman, hindi aniya nakuntento ang grupo ng mga abogado na nag-evaluate sa mga paliwanag ng mga nasabing alkalde kaya naisampa ang mga kasong administrabo sa Office of the Ombudsman.