-- Advertisements --

Pinatawan ng 90-day preventive suspension ng Sandiganbayan si Dumanjug, Cebu Mayor Efren Gica habang nililitis siya sa kaso na nag-ugat sa umano’y pamemeke ng resibo.

Sa resolusyong inilaban ng Fourth Division, inatasan ng anti-graft court ang Department of Interior and Local Government na ipatupad ang suspension order.

Nagpasok ng kanyang not-guilty plea si Gica sa kanyang arraignment noong Enero 23, nang inobliga rin siya ng Sandigan na ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat suspendehin.

Pero bigo si Gica na tumugon dito sa loob ng 10 araw na ibinigay sa kanya ng Sandiaganbayan.

“Gica failed to file any answer to such Order despite the period of time given for him to do so; thus, the subject Informations are deemed valid… The Court holds that the suspension pendente lite (during litigation) on Gica for a period of 90 days is proper,” saad ng anti-graft court.

Iginiit ng Sandiaganbayan na ang pagsuspinde sa incumbent government officials ay mandatory sa ilalim ng Section 13 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, kung saan sakop ang mga public officer na nahaharap sa criminal prosecution.

Si Gica ay kasalukuyang nahaharap sa isang bilang ng kasong malversation of public funds at graft, at tatlong bilang naman ng falsification of public documents.

Noong 2014, pineke raw ni Gica ang resibo sa kabuuang halaga ng ginastos sa meals ng mga anttendees ng isang barangay assembly.

Sa halip na P11,435 sinabi ni Gica na P21,435 daw ang kanilang ginastos.