LAOAG CITY – Nagalit at hindi umano titigil ang alkalde ng bayan ng Solsona, Ilocos Norte hangga’t hindi nalilinis ang kanyang pangalan sa ibinabatong alegasyon na hinawakan umano nito ang dibdib ng isang dalagang aplikante.
Una rito, inakusahan ng dalaga si Solsona Mayor Joseph de Lara na hinawakan ang dibdib nito habang nasa loob ng kanyang opisina noong buwan ng Hulyo.
Ayon kay de Lara, mabigat umanong alegasyon ito kaya’t kailangang magpresenta ng ebidensya ang babae dahil maraming nang mga tao ang bumabatikos sa kanya.
Iginiit ni de Lara na imposible na gawin niya ang akusasyon dahil nasa opisina nito ang kanyang asawa at mga babaeng staff, at nagagalit umano kapag nakasarado ang pintuan.
Sinabi pa ng opisyal na ang aplikanteng nagreklamo ay hindi natanggap at nakipag-bonding pa umano sa grupo ng dating alkalde na kanyang nakalaban noong nakaraang eleksyon.
Dahil dito, sinabing maliwanag na may halong pulitika ang alegasyon laban sa kanya.
Kinuwestyon pa ng alkalde ang ginawa ng babae dahil bakit ngayon lamang umano nagreklamo sa halip na noong presko pa ang pangyayari.
Samantala, kinastigo rin ni de Lara ang mga nag-post sa social media dahil hindi umano nila inalam ang tunay na pangyayari bago magkomento na makakaapekto sa kanyang pamilya at pagiging ama ng bayan.