-- Advertisements --

ROXAS CITY – Sinampahan ng kaso ng Capiz Environment and Natural Resources Office (CaPENRO) si Mambusao Mayor Leodegario Jun Labao Jr. dahil sa partisipasyon umano nito sa illegal quarry operation sa Barangay Manhoy, Dao, Capiz.

Ito ang kinumpirma mismo ni PENRO Head Atty. Emilyn Depon sa panayam ng Bombo Radyo Roxas.

Matatandaan na nahuli ng Task Force Kabalaka 6K at ng mga kasapi ng CaPENRO ang isang backhoe at truck na pagmamay-ari umano ng alkalde na nagsasagawa ng illegal quarrying sa naturang lugar.

Dahil dito ay sinampahan ng ahensiya ang alkalde ng kasong paglabag sa Republic Act 7942 at Ordinance 11-2017 o ang Revised Revenue Code of the Province of Capiz.

Sinampahan rin si Labao ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1829 o Obstruction of Apprehension and Prosecution of Criminal Offenders matapos pinagitnaan nito at pinigilan ang operasyon ng CaPENRO.