-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Ginulantang ng malakas na pagsabog dakong alas-3:20 ng hapon kanina ang lalawigan ng Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Arnold Santiago na sumabog ang isang malakas na uri ng Improvised Explosive Device (IED) sa likod ng Municipal Hall ng South Upi Maguindanao.

Dahil sa lakas ng pagsabog, tinamaan ang papasok na sasakyan ni South Upi Mayor Reynalbert Insular sa likod ng munisipyo.

Una nang bumaba si Mayor Insular sa kanyang sasakyan at magpapahinga muna sa kanyang tahanan dahil kararating lamang nito mula sa Cotabato City.

Wala namang nasugatan sa pagsabog kabilang ang driver ng alkalde ngunit nagdulot ito ng takot sa mga sibilyan at mga kawani ng LGU-South Upi.

Hanggang ngayon ay blangko pa ang alkalde sa posibling suspek sa pagpapasabog dahil wala naman umano siyang kalaban.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng South Upi Maguindanao PNP sa nangyaring pagsabog.