Naglabas ng public apology ang isang alkalde mula sa Visayas na nag-share sa maling impormasyon na pumanaw na si Pope Francis.
Sa mensaheng inilabas ni Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan sa kaniyang facebook page, humingi siya ng paumanhin dahil sa pagkaka-post sa maling impormasyon na may petsang February 23, 2024 kung saan nakasaad na pumanaw na ang Santo Papa gayong patuloy pa rin siyang lumalaban.
Ayon sa alkalde, naiintindihan nila ang pagkabahala at kalituhan na posibleng idinulot ng naturang post, kasama na ang posibleng galit na nararamdaman ng Roman Catholic community.
Humingi rin siya ng paumanhin sa mga posibleng naniwala sa maling impormasyon.

Kasabay nito ay siniguro ng kampo ng alkalde na lalo pa nilang hihigpitan ang pagtiyak na ang mga impormasyong inilalabas sa social media page ng alkalde ay beripikado, tama, at tumpak.
Siniguro rin ng kampo ng alkalde na kaisa silang nananalangin para sa tuluyang ikagagaling ng Santo Papa at nang maipagpatuloy niya ang kaniyang misyon bilang Vicar of Christ dito sa mundo.