-- Advertisements --

NAGA CITY – Nagbabala si Naga City Mayor Nelson Legacion sa mga residente ng lungsod kaugnay ng pagpasok ng Omicron Variant sa Camarines Sur.

Sa naging pahayag nag alkalde, binigyang-diin nito ang pagbibigay ng halaga sa vaccination rollout sa lugar lalo na ang pagpapaturok ng booster shots.

Ayon kay Legacion, huwag na umanong magdalawang isip ang mga mamamayan na magpabakuna lalo na kung nakapag-paschedule na.

Kung maaalala, naging maganda ang daloy ng vaccination rollout sa lungsod na nagresulta upang malampasan pa nito ang target na vaccination coverage.

Maliban sa pagpapabakuna, muling binigyang-diin ng opisyal na maging responsable lalo na sa pagsunod sa mga ibinabang health protocols gaya na lamang ng pagsuot ng facemask.

Sa ngayon kasi, muling nakapagtala ng 2 panibagong kaso ng COVID-19 sa lungsod matapos ang 15 araw na pagiging zero case nito.

Mababatid na 2 kaso na ng Omicron ang kinumpirma ng DOH na mula sa bayan ng Bombom at Tigaon sa lalawigan ng CamSur.