-- Advertisements --

“All accounted” na ang lahat ng mga pulis na sangkot sa madugong enkwentro laban sa grupo ni Calbayog Mayor Rolando Aquino na ikinasawi ng alkalde at lima iba pa.


Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Regional Office -8 (PRO-8) Regional Police Director, BGen. Rolando De Jesus, sinabi nito nasa kustodiya na ng kani-kanilang mga commanders ang mga sangkot na pulis at nagbigay na rin ng kanilang affidavit hinggil sa insidente.


Kino-collate na rin ng PNP SOCO ang mga nakuhang mga ebidensiya sa nangyaring labanan.


Isinailalim na rin sa ballistic examination ang mga baril na ginamit ng mga pulis sa labanan.


Batay sa inisyal na report, ang grupo ni Mayor Aquino ang unang nagpaputok dahilan para rumesbak ang mga pulis.


Nilinaw din ni BGen. De Jesus na hindi target ng mga operatiba ng IMEG at PDEU ang alkalde at ang ginawa ng mga ito ay routinary patrols laban sa mga tiwaling pulis at natiyempuhan lang na nakabuntot sila sa sasakyan ni Mayor Aquino .

Ayon sa Heneral, naka-usap na niya ang mga sangkot na pulis at itinanggi ng mga ito na alam nila kung sino ang sakay sa puting van.


Huli na umano nilang nalaman na pag-aari ni Mayor Aquino ang nasabing sasakyan.


Siniguro ng heneral na walang magiging whitewash sa pag-iimbestiga ng SITG Aquino kasama ang CIDG.


Iniimbestigahan na rin ng PNP Internal Affairs Service ang insidente para mabatid kung may pananagutan ang mga pulis.


Tiniyak ni De Jesus kung mapatunayan na may kasalanan ang kaniyang mga tauhan, mananagot ang mga ito.


Pinasinungalingan din ni De Jesus ang ulat na kabilang sa drug watchlist ng gobyerno ang alkalde.


Aniya, wala naman silang namomonitor na iligal na aktibidad na kinasasangkutan ni Mayor Aquino.


Inihayag din ng heneral na sa ngayon, walang komunikasyon sa PNP ang kampo ni Mayor Aquino.


Inalerto na rin ni De Jesus ang Calbayog PNP para mapanatili ang peace and order sa lugar sakaling magkaroon ng tensiyon bunsod sa pagkamatay ng alkalde.

Nais din ng heneral na sa lalong madaling panahon magkaroon na ng resulta sa imbestigasyon.