Naitala ngayon sa kasaysan sa buong mundo ang ginawa ng mga NASA astronauts at mag-best friends na sina Christina Koch and Jessica Meir.
Ito ay nang magsagawa sila kauna-unahang sabay na all-woman spacewalk sa labas ng International Space Station (ISS).
Ginawa ng Expedition 61 flight engineers ang paglabas sa kalawakan upang palitan ang nasirang power controller ng ISS na siyang nagre-regulate sa mga batteries na ginagamit sa orbital laboratory.
Ang trabaho ng dalawa ay inabot din ng pitong oras at 17 minuto para makompleto.
Para kay Koch ito na ang kanyang ikaapat na spacewalk habang si Meir naman ay first time.
Ang dalawang babae ay napiling astronaut candidates noong taong 2013 na siyang nabigyan ng pagkakataon na tumira sa space station.
Batay pa sa kasaysayan si Meir na ang ika-15 babae na nag-spacewalk at ika-14 na US woman.
Hindi lamang isang astronaut si Christina kundi isa rin itong engineer at physicist.
Bago pa man siya napili noong 2013, nagtrabaho rin siya bilang electrical engineer sa Goddard Space Flight Center’s Laboratory para sa High Energy Astrophysics.
Para naman kay Meir hindi na bago ang malaking hamon na ito sa kanya lalo na sa mga extreme environments.
Kabilang sa kanyang background, nag-aral siya ukol sa mga penguins sa Antarctica at pinag-aralan din ang mga kuweba sa Italya.
Agad namang nagpaabot nang pagbati si US President Donald Trump sa makasaysayang nagawa nina Meir at Koch.
Samantala, 35 taon na ang nakakalipas nang isagawa naman ng unang US woman na nagsagawa ng spacewalk sa katauhan ni Kathryn Sullivan.