Bahagyang mas magaan si WBC bantamweight world champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire kumpara sa karibal na si interim WBC bantamweight champion Reymart Gaballo sa ginanap na official weigh-in bago ang title fight bukas na gaganapin sa Dignity Health Sports Park sa Carson, California.
Tumimbang si Donaire (41-6, 27 KO) sa 117.2 pounds habang ang undefeated na si Gaballo (24-0, 20 KO) ay may bigat na 117 pounds.
Inilabas na rin ng Premier Boxing Champions ang pangalan ng magsisilbing referee sa 12 rounds showdown ang veteran na si Ray Corona.
Habang tatayong mga boxing judges sina Max DeLuca (Calif.), Karen Holderfield (Ark.), at Dr. Lou Moret (Calif.)
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. John Melo mula sa California, iniulat nito na mas abanse umano sa mga oddsmakers at pananaw ng mga analyst si Donaire dahil sa pagiging beterano na nito at maituturing na future hall of famer.
Ayon pa kay Dr. Melo, tamang tamang din ang venue ng laban dahil maraming Pinoy ang nakatira sa Carson, California upang magbigay suporta sa dalawang ipinagmamalaking mga kampeon na magsisilbing main event ng Showtime Championship Boxing.
Una nang sinabi ni Donaire, 39, na kahit magkababayan sila ni Gaballo, 25, “proud na proud” siya dahil sinuman ang mananalo sa kanila ay Pinoy pa rin ang mag-uuwi ng korona.
Inihalimbawa pa niya ang mga Mexican boxers na kadalasan sila-sila rin ang naglalaban para sa titulo.