Kanya-kanyang hikayat ang mga paaralan sa mga magulang na makiisa sa pagsisimula ngayong araw, March 26, ng maagang pagpaparehistro ng mga estudyante para sa School Year 2021-2022.
Ito’y bagama’t una nang naiulat na pinalawig ng Department of Education (DepEd) ang kasalukuyang school year para sa basic education level sa Hulyo 10.
Layunin ng itinakdang early registration na matukoy ang bilang at matiyak na rehistrado na para sa susunod na school year ang mga estudyanteng papasok sa kinder, gayundin sa grades 1, 7, at 11.
Ang mga nasa grades 2 to 6, 8 to 10 at 12 naman ay ikinonsidera na bilang pre-registered at hindi na kailangang makiisa sa early registration.
Mandatory o inoobliga rito ang mga public schools habang optional para sa mga private schools.
Ayon kay Education Undersecretary Jesus Mateo, asahang magkakaiba ang mode of registration sa bawat rehiyon dahil sa quarantine restrictions.
Halimbawa rito ang pagtungo ng mga magulang o guardian ng enrollee kung pinapayagan sa kanilang lugar ang in-person registration. Sa iba naman, maaaring online na lamang magpa-register.
Tatagal ang early registration program ng DepEd hanggang sa darating na April 30, 2021.