-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa Bacolod kaugnay sa pagpatay sa sinasabing miyembro ng Odicta Drug Group sa Iloilo na natagpuan sa bakanteng lote sa lungsod ng Bacolod.

Ang biktima na si Nathan Zerrudo ng Pavia, Iloilo ay natagpuang wala nang buhay sa Purok Katipunan, Barangay Cabug.

Walang pang-itaas na damit ang biktima at nakagapos ng plastic wire ang mga kamay nito.

Batay sa imbestigasyon ng Bacolod Police Station 9, binaril ang biktima sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.

Narekober sa crime scene ang 16 empty shells ng hindi na natutukoy na kalibre ng baril.

Ayon sa mga pulis, ang biktima ay collector ng Odicta Drug Group sa Iloilo at ang kapatid nito na si Levy Zerrudo ay right hand ni Alyas Dragon.

Ilang araw bago ang krimen, nagpost ang biktima na nasa Bacolod ito at marami ang kanyang stock ng iligal na droga ngunit hindi pa makukumpirma kung si Zerrudo ang nagmamay-ari ng Facebook account.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang motibo sa krimen at kung paano nakarating sa Bacolod ang biktima.