BACOLOD CITY — Patay ang sinasabing miyembro ng robbery group na nag-ooperate sa Negros Occidental matapos umanong manlaban sa mga pulis sa Sipalay City nitong lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Major James Latayon, hepe ng Sipalay City Police Station, sisilbihan sana ng warrant of arrest ang 25-anyos na si Eddie Epogon sa Sitio Manluy-a, Barangay San Jose nitong Sabado nang madaling-araw.
Ngunit nang malaman aniya nitong mga pulis ang dumating, nagpaputok si Epogon kaya’t napilitan ang mga operatiba na gumanti.
Dahil sa maraming tama ng bala sa katawan, kaagad na binawian ng buhay si Epogon.
Ayon sa hepe, si Epogon ay sisilbihan sana ng warrant of arrest sa kasong possession of illegal firearms and explosives at robbery with homicide na pawang inilabas ng korte nakaraang taon.
Aminado ang hepe na matagal ang pagplano sa paghahain ng warrant of arrest dahil madulas sa kamay ng otoridad ang suspek.
Ang operasyon ay isinagawa ng Regional Special Operation Group 6, Regional Intelligence Division 6, Criminal Investigation and Detection Group, 2nd Negros Occidental Provincial Mobile Force Company, Regional Mobile Force Battalion 6, Sipalay City Police Station at 15th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Ang Epogon robbery group ay suspek sa serye ng panghohold-up sa Negros Occidental at Bacolod, kabilang na ang panloloob sa bahay ng Belgian national sa Villa Angela Subdivision sa Barangay Villamonte, Bacolod City noong June 17, 2020 kung saan kanilang pinatay ang dayuhan.