Muling binanatan ng Alliance of Health Workers (AHW) ang Administrasyong Marcos at ang Department of Health(DOH) dahil sa umano’y hindi pa naibibihay na health emergency benefits ng mga ito.
Maalalang nitong nakalipas na linggo ay sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ang nalalabing P62.9 billion na hindi pa nababayarang allowance ng mga health workers na nagsilbi bilang frontliners noong pandemiya ay maibibigay na bago o pagsapit ng 2026.
Gayonpaman, maaari naman aniyang mapaikli pa ito, depende sa pagtugon ng Department of Budget and Management(DBM) sa request ng DOH para sa alokasyon ng allowance ng mga mangagawa sa sektor ng kalusugan.
Pero ayon sa AHW, aabutin pa ng ilang taon bago tuluyang mabayaran ang mga health workers na tinaguriang ‘modern-day heroes’
Katwiran ng grupo, pinagsilbihan nila ang pamahalaan ng buong puso noong panahon ng pandemiya.
Panahon na rin anila, upang suklian ito ng pamahalaan at ibigay sa kanila ang nararapat at ligal na benepisyong dapat ay para sa kanila.
Tinawag din ng grupo ang pamahalaan bilang heartless dahil sa napakatagal na ilabas na benepisyo. Ayon sa grupo, nais na nilang mailabas ng pamahalaan ang mga naturang benepisyo ngayong taon.