Nanawagan ang Alliance of Health Workers (AHW) na ibigay na ang kanilang performance-based bonus ngayong Pasko.
Ayon kay Cristy Donguines, secretary general ng AHW, panahon na upang ipagkaloob sa kanila ang nararapat na benepisyo para sa lahat ng health workers.
Patuloy parin aniyang nanatiling kalunos-lunos ang kalagayan ng mga health workers sa bansa dahil sa mababang pasahod, madaming bilang ng contractual at kakulangan ng mga medical health workers.
Kasama pa raw dito ang hindi naibibigay na emergency health allowance na panahon pa noong kasagsagan ng pandemic simula noong taong 2021 hanggang sa kasalukuyang taon.
Ito’y kahit pa aniya na downloaded na ang inilaan na pondo para sa lahat ng health workers.
Aabot na kasi sa mahigit P45,000 ang inaantay ng mga health worker depende pa ‘yan sa estado ng kanilang posisyon.
Umaasa naman si Donguines na tutugunan sila ng pamahalaan ng sagayon maibsan man lang aniya ang kanilang mga bulsa.