-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Patuloy na nakikibaka ang mga bombero para maapula ang apoy sa Gaisano Mall of GenSan na nagsimulang masunog pasado alas-7:00 pa kagabi.

Napag-alaman na lumawak ang sunog kung saan isang bangko ang tinupok ng apoy maliban pa sa kitchenwares, furnitures, bodega, food stalls, department stores, chapel, at food court ng naturang mall.

Naging amoy pritong-manok naman nang inabot ang ilang bahagi ng fast food chain.

Samantala, rumesponde ang iba pang fire truck mula sa local government unit (LGU) ng Sarangani Province, South Cotabato, Davao City, at sa mga private sector.

Nakabukas na kalan ang hinihinalang dahilan ng pagsiklab ng apoy sa Gaisano Mall.

Sa inisyal na imbestigasyon, sa food court ng mall nag-umpisa ang apoy.

Kuwento ng ilang nagtatrabaho sa mall, naiwang bukas ang kalan sa isang stall dahil mabilis silang nagtakbuhan palabas nang tumama ang malakas na lindol.

Nakaantabay naman sa labas ng mall ang mga trabahante at may mga puwesto sa pag-asang may masasalba pang gamit.

Kaugnay nito, nanawagan sila ng tulong sa LGU dahil mawawalan na sila ng trabaho matapos masunog ang mall.

Sa kabilang dako, hindi muna nagbukas ang SM Mall of GenSan matapos na magsilaglagan ang maraming bahagi ng kisame matapos ang lindol.

Nagsagawa ang Infrastructure Audit Team ng City Engineers Office at Office of the Building Official para sa pag-inspection ng mga government buildings at commercial establishments sa lungsod.

Pinangunahan din ang inspeksyon ni Dr. Bong Dacera, sa City Disaster Risk Reduction Management Office.

Napag-alaman na alas-10:00 na ng umaga pumasok ang mga empleyado ng City Hall dahil sa inspeksyon.

Suspendido rin ang klase sa lahat ng level mapa-publiko o pribado dahil sa isinagawang assessment ng mga paaralan matapos ang 6.3 magnitude na lindol.