Mariing inirerekomenda ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Pangulo ang pag-aalok ng amnestiya sa mga komunistang rebelde ayon kay National Security Adviser Clarita Carlos.
Inirekomenda ito ng NTF-ELCAC executive committee sa kauna-unahang pagpupulong sa ilalim ng Marcos administration.
Layunin ng hakbang na ito N mapigilan ang resurgence ng communist terrorist group (CTG) lalo na sa mga malalayo at disadvantaged na mga lugar.
Ibinahagi ni Carlos na nagsisilbi ding vice-chairperson ng NTF-ELCAC na magpapatuloy ang pagsusumikap ng ahensiya sa pagsiguro ng kapayapaan at kaunlaran ng lahat ng Pilipino sa ilalim ng Marcos administration.
Iminungkahi din ng executive committee ang muling pagpapatibay sa kahalagahan ng whole of nation approach sa pagtalakay sa ugat ng armed conflict.
Sa ngayon ayon kay Carlos, nakadepende na sa Pangulong Bongbong Marcos ang pag-apruba sa rekomendasyon ng NTF-ELCAC na paggawad ng amnestiya sa communist rebels.
Ipinauubaya na rin sa pangulo ang muling pagbuhay sa peace talks sa pagitan ng pamahalaan at Communist Party of the Philippines.
Subalit paglilinaw ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Carlito Galvez na nagpapatuloy pa rin ang localized peace talks.