Tinanggap na umano ng pamilya ng Black American na si George Floyd ang alok ni Floyd Mayweather Jr na ang retired boxing champion na ang sasagot sa funeral service nito.
Batay sa ulat, nakipag-usap umano nang palihim si Mayweather sa mga kaanak ni Floyd, na ikinalugod naman ang alok.
Una rito, sinabi ni Mayweather Promotions CEO Leonard Ellerbe, maliban sa libing ni Floyd sa Houston sa Hunyo 9 (local time), sasagutin na rin daw ng boxing superstar ang pagbayad sa iba pang mga memorial services.
Ang nasabing mga aktibidad ay idadaos sa Minneapolis, Charlotte, at sa iba pang mga lokasyon.
Matatandaang namatay si Floyd sa isang ospital matapos luhuran sa leeg ng pulis sa Minneapolis na si Derek Chauvin sa loob ng halos siyam na minuto.
Bago ito, inakusahan si Floyd na gumamit ng pekeng $20 bill para bumili ng sigarilyo sa isang tindahan.