-- Advertisements --
cropped ANGAT DAM BULACAN

Mapipilitan ang National Water Resources Board (NWRB) na iprayoridad ang alokasyon ng tubig para sa domestic supply sa oras na umabot sa 180 meters ang antas ng tubig o minimum operating level sa Angat dam.

Ipinunto ni NWRB executive director Sevillo David Jr. ang pangangailangan na magtipi ng tubig sa gitna ng anunsiyo ng state weather bureau na posibleng pagtaas ng El Nino alert status sa buwan ng Mayo.

Kung wala naman aniyang El Nino, inaasahan ang below normal na ulan kayat kailangan talaga na paghandaan na ngayon pa lamang na nananatiling normal ang sitwasyon.

Base sa Dam water level update kaninang alas-6 ng umaga ngayong Lunes, Abril 24, bumaba pa sa 195.99 ang antas ng tubig sa Angat dam na nagsusuplay sa mahigit 90 porsyento ng kilangang potable water sa Metro Manila at nagbibigay ng kailangang irigasyon sa 25,000 ektrya ng sakahan sa Bulacan at Pampanga.

Para sa irigasyon, ayon kay David ang nakukunsumong tubig ay nasa pagitan ng 70% at 80% habang sa domestic o municipal supply kabilang ang commercial use ang maximum ay nasa 20%.

Kayat mahalaga aniya na hindi magsayang ng tubig ang publiko bilang parte ng conservation measures na isinusulong nh ahensiya.

Kung ikukumpara naman aniya sa naranasang tagtuyot sa noong 2019 na nagresulta ng krisis sa tubig, mas handa ngayon ang bansa para sa posibleng epekto ng El nino phenomennon.