Babawasan ng mga regulators ang alokasyon ng tubig para sa irigasyon na manggagaling sa Angat Dam gayundin ang supply rate sa kabahayan sa Metro Manila.
Ito ang binigyan diin ng National Water Resources Board (NWRB) matapos na bumagsak sa 179.5 meters hanggang kaninang alas-6:00 ng umaga ang water level sa Angat Dam, mababa kumpara sa 180-meter minimum level na required para sa normal operations.
Ayon kay NWRB Executive Director Dr. Sevillo David Jr. simula Mayo, ang water supply para sa agrikultura ay magiging 10 cubic meters per second na lamang mula sa 35 cubic meters per second ngayong Abril.
Ang alokasyon naman ng tubig ng Angat Dam para sa mga kabahayan sa Metro Manila ay mananatili sa 48 cubic meters per second.
Nauna nang tiniyak ni David na ang supply reduction ay may minimal effect lamang sa mga agricultural produce dahil nasa kalagitnaan na rin ng planting season ang mga magsasaka, na nangangailangan na lamang ng kakaunting tubig kumpara sa outset nito.