Binawasan na ng National Irrigation Administration (NIA) sa Central Luzon ang volume ng tubig na nakalaan sa mga taniman sa probinsya ng Bulacan at Pampanga.
Sinabi ni NIA-Bulacan director Felix Robles na ang water allocation ngayon para sa irigasyon ay 35 cubic meters per second lamang mula sa dating 40 meters per second.
Ito ay dahil na rin sa patuloy ma pagliit ng volume ng tubig sa Angat Dam.
Ayon kay Robles ang pagbawas sa water allocation para sa irigasyon ay sapat pa rin para mabigyan ng supply ng tubig ang 27,000 ektarya ng taniman.
Subalit kung magpatuloy pa rin daw ang dry spell, ihihinto na ang alokasyon ng tubig para sa irigasyon ng dalawang probinsya upang mabigyan pa rin ng supply ng tubig ang mga residente ng Metro Manila.
Nauna nang sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na 164,000 magsasaka na sa buong bansa ang naapektuhan ng El Niño phenomenon.