MANILA – Nadagdagan pa ang bilang ng mga indibidwal na tinamaan ng sinasabing mas nakakahawang anyo ng COVID-19 virus.
Batay sa pinakabagong report ng Department of Health, as of June 17, nakapag-detect ng 14 na bagong kaso ng Alpha variant (B.1.1.7), 21 Beta variant (B.1.351), at apat na Delta (B.1.617.2) ang Philippine Genome Center at UP National Institutes of Heath.
Itinuturing na “variants of concern” ang tatlo dahil may mga katangian sila na sinasabing mas nakakahawa at kayang labanan ang bisa ng mga bakuna.
ALPHA VARIANT
Mula sa 14 na bagong kaso ng Alpha variant, 12 ang local cases o sa Pilipinas nahawaan ng sakit.
Inaalam naman ng ahensya kung local case din o returning overseas Filipino (ROF) ang dalawa.
“Based on the case line list, two cases have died and 12 cases have been tagged as recovered.”
Sa ngayon mayroon ng 1,085 na kaso ng Alpha variant na naitala ang DOH. May pitong active cases, at 32 namatay.
Nasa 1,046 naman na ang gumaling mula sa kanila.
Mas kilala bilang UK variant ang Alpha variant dahil una itong nadiskubre sa United Kingdoom noong Disyembre.
BETA VARIANT
Mula naman sa 21 bagong kaso ng Beta variant, 20 ang local case at isa ang hindi pa alam kung saan nahawa ng variant.
“Based on the case line list, 20 cases have been tagged as recovered and one case is currently active.”
Unang natuklasan ang Beta variant sa South Africa. Sa ngayon nasa 1,267 na ang kabuuang bilang ng Beta variant cases na naitala sa bansa.
Ang 1,222 sa kanila ay gumaling, 35 ang binawian ng buhay, at 10 ang nagpapagaling pa.
DELTA VARIANT
Pare-parehong ROF ang apat na bagong kaso ng Delta variant. Ang tatlo ay seaman mula sa barkong MV Eastern Hope na nakadaong sa South Korea, at ang isa ay galing sa Saudi Arabia.
“Upon detection of the PCR-positive Filipino crew in South Korea, they were repatriated back to the Philippines on June 3, 2021. Two cases have completed the 10-day isolation after arrival in the country and were discharged upon certification of recovery, while one is still admitted in a hospital in Metro Manila.”
Ang ROF naman na galing ng Saudi Arabia ay kasalukuyang naka-quarantine sa inuwiang local government unit.
Noong May 24 pa raw ito dumating ng Pilipinas, at idineklarang recovered noong June 10 matapos ang isolation.
“This brings the total number of Delta cases to 17.”
Mula sa mga tinamaan ng Delta variant sa bansa, isa na ang namatay.
Unang na-diskubre sa India ang Delta variant at sinasabing mas nakakahawa ito kumpara sa Alpha at Beta variant.
THETA VARIANT
Samantala, nag-ulat din daw ang PGC at UP-NIH ng isang bagong kaso ng Theta variant (P.3). Ito ang anyo ng COVID-19 virus na unang natuklasan sa Pilipinas.
“The additional Theta variant case is currently being verified as to whether this is a local or ROF case. The case has already been tagged as recovered.”
Hindi itinuturing na variant of concern ang Theta variant dahil wala pang ebidensya na kasing-bagsik nito ang variant tulad ng Alpha, Beta, at Delta.
“Since more data is needed to conclude whether the variant will have significant public health implications.”
BORDER CONTROL
Pinaalalahanan ng DOH ang mga local government units na sundin ang protocol ng Inter-Agency Task Force (IATF) na 10-araw na facility-based quarantine at testing sa ikapitong araw sa mga inbound international travelers.
Kasunod ito ng “swab upon arrival” policy na ipinapatupad ng panlalawigang pamahalaan ng Cebu.
“Lahat ng local government units ngayon binibigyan ng impormasyon about sa Delta variant. Ang ating pangulo mismo ang talagang very cautious na ayaw niyang makapasok dito sa ating bansa dahil gusto niyang ma-preserve ang ating healthcare system at ayaw niyang maapektuhan ang ating bansa,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“We are upholding the directive (10 day facility-based quarantine, 7th day testing for inbound travelers) because we want to prevent the further entry of Deltra variant… we cannot have non-uniformity sa border control.”
Bukod sa mahigpit na kontrol sa mga border ng Pilipinas, pinaalalahanan din ng DOH ang publiko kaugnay ng disiplina sa pagsunod sa minimum public health standards at pagtanggap ng bakuna.
Habang ang mga local government units, pinakikilos para maging agresibo ang ginagawa nilang stratehiya sa testing, isolation, at contact tracing ng mga COVID-19 cases.