Malakas na ang bentahan ngayon ng alternatibong paingay kaysa paputok sa mga pamilihan sa lungsod ng Pasay.
Kung saan, ibinahagi ng isang may-ari ng tindahan na si Stephanie Manahan, mabenta na ang kanilang panindang torotot kasabay ng papalapit na bagong taon.
Ayon pa sa kanya, inaasahan nilang mas papatok ang kanilang mga ibinebentang torotot sa mga susunod pang mga araw ng Disyembre 29 at 30.
Ang kanilang mga panindang torotot ay hindi na tulad nung dati na gawa pa sa papel na may kaakibat pang panganib na maaring malunok ng bata ang pito nito na siyang pinagmumulan ng malakas na tunog.
Dagdag pa niya, mas maiging bilhin na lamang ang torotot kaysa paputok bilang alternatibong paingay sa pagsalubong ng taong 2025.
Ayon naman sa isa pang nagtitinda ng torotot na si Mary Grace Poldo, mabibili ang mga torotot sa murang halaga simula sa pinakamaliit na tatlo isang daan hanggang sa pinakamalaki na nagkakahalaga naman ng 100 piso.
Inaasahan din niya na mauubos ang mga paninda niyang torotot sapagkat kadalasan daw dinadagsa ang mga pamilihan dito sa lungsod ng Pasay tuwing may ganitong okasyon.