Mariing kinondena ni Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez ang nangyayaring umano’y pagbili ng mga boto sa House of Representatives, habang patuloy na umiinit ang laban para sa pagiging speaker ng Kamara.
Sinabi ni Alvarez na sa kasalukuyan, mahigit 100 kongresista na ang nakapirma sa isang kasulatang tanda nang pagsuporta, na pinirmahan ng isang mambabatas na tinanggap ang isa sa dalawang alok mula sa kampo ng dalawang kongresistang nagnanais na makuha ang kanilang mga boto bilang speaker.
Ngunit kahit si Alvarez, na tumatakbo rin para sa nasabing posisyon, ay hindi nagbigay ng mga pangalan.
Ayon sa mga media report, ang kampo ni Leyte incoming Rep. Martin Romualdez ay nag-alok daw ng P500,000 katumbas ng isang boto, samantalang P1 milyong naman umano ang kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ni House Minority Leader Danilo Suarez na nakakuha na si Romualdez ng suporta ng 126 na mambabatas para sa House speakership.
Binanggit ni Suarez na nakalikom sila ng lagda ng 126 na mambabatas na nagpahayag ng kanilang suporta para kay Romualdez, mula sa 150 botong kinakailangan sa mayorya.
Ayon kay Alvarez, ang ganitong sistema upang matukoy ang susunod na House Speaker ay nakapanlulumo.
“Nawawalan din ako ng gana dahil nga pagkaganyan, siyempre, obviously, mayroon talagang funder yan, diba dahil ang laking pera,” saad ni Alvarez na tumatakbo rin para sa pagka-speaker.
Kinondena rin ni Alvarez ang ginagamit na mga taktika at nanumpa na hindi siya hahantong sa parehong pamamaraan para lamang madagdagan ang kanyang tyansa na makuha ang posisyon.
“Such dubious methods as vote-buying would compromise the Speaker’s position,” wika niya.
Samantala, itinanggi rin ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang paratang laban sa kanya ni Alvarez na nagmumudmod umano ito ng pera para masungkit ang trono bilang susunod na lider ng Kamara.
Sa isang panayam sinabi ni Velasco na hindi totoo ang ulat ni Alvarez na nagsabing may inihanda na raw na tig-P1 milyong budget ang inaakusahang mambabatas para sa bawat kongresista.
Ani Velasco, nirerespeto niya ang kanyang mga kasamahan sa mababang kapulungan, gayundi na tiwala itong hindi magpapasilaw ang mga ito sa salapi kapalit ng boto. (with reports from Bombo Christian Yosores)