Idinaan lamang ni Alywyn Uytingco sa pag-public apology sa misis at kapwa artistang si Jennica Garcia ang tila sagot nito sa pasaring ng biyenang si Jean Garcia.
“Mahal kita, @jennicauytingco. Sorry sa lahat ng pagkukulang ko. Patawad sa lahat ng pagkakamali ko. Di mahalaga kung ano sabihin nila.. ang mahalaga para sakin ay mga salita na manggagaling sayo. Natalisod man ako, hindi ko hahayaan na nandito lang ako. Babangon ako, mahal. At patuloy na babagtas patungo sayo. Mahal na mahal kita,” caption ni Uytingco sa larawan nila ni Jennica.
Nabatid na sa unang pagkakataon ay direkta nang tinukoy ni Jean si Alwyn na aniya’y hindi marunong rumespeto bilang kanyang mother-in-law kung saan dinidedma lang daw ang mga mensahe nito sa kanya.
Ayon sa 51-year-old veteran kontrabida actress, tama lang naman na maisip ng 33-year-old actor ang dalawa nitong anak kay Jennica pero ibang isyu ang naging asal nito na tila siyang dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Pasaring pa ng nakatatandang Garcia, ang tunay na lalaki ay marunong magmahal, rumespeto, at dapat ay tapat sa iisang babae lamang.
Sa panig ni Uytingco, inamin nito ang pagkakaroon ng pagkukulang at pagkakamali ngunit hindi raw ito magpapaapekto sa anomang mga komento, at patuloy na liligawan muli ang wife of seven years.
Nitong nagdaang Father’s Day nang maging wish ni Alwyn na mabubuo muli sila ni Jennica kasama ang kanilang mga anak na edad anim at tatlong gulang pa lamang.
Noong nakaraang buwan nang aminin ni Jennica na nagbenta ito ng ilang gamit sa bahay para sa pagsisimula ng bagong buhay sa nilipatan kasama ang dalawang anak.
Iginiit naman ng 31-year-old actress na kahit babalik na siya sa show business, ay hindi usaping pinansyal ang dahilan kung bakit lumabo ang 7 year marriage nila ni Alwyn.