Nilinaw ng campaign manager ng Alyansa ng administrasyong Marcos na walang pag-uusap kaugnay sa pagtanggal kina Senator Imee Marcos at Las Piñas Representative Camille Villar mula sa Senatorial slate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Sa isang press conference ng alyansa ngayong Sabado, ipinaliwanag ng campaign manager na si Navotas Rep. Toby Tiangco na hindi niya masasagot ang katanungan at mas maigi na sina Sen. Imee mismo ang dapat sumagot sa naturang katanungan.
Ginawa ni Tiangco ang pahayag kasunod ng hindi pagbanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pangalan ng kaniyang kapatid na si Sen. Imee sa kaniyang pag-endorso sa mga Senatorial candidate ng Alyansa sa kanilang campaign rally sa probinsiya ng Cavite.
Ito naman na ang ikalawang pagkakataon na hindi nakasama si Sen. Imee sa pangangampaniya ng Alyansa. Una ay sa Tacloban City, Leyte.
Nauna naman ng ipinaliwanag ng presidential sister na hindi ito dadalo sa campaign rally ng Alyansa dahil hindi niya matanggap ang nangyari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na inaresto noong Marso 11 sa bisa ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Habang sinamahan naman ni Villar si Caloocan Rep. Oscar Malapitan sa isang motorcade sa Caloocan city .