-- Advertisements --

Nasampahan na ng kasong estafa ang umaming nasa likod ng Bikoy video na si Peter Joemel Advincula sa Department of Justice (DoJ).

Ang nagreklamo ay si Arven Valmores na presidente at CEO ng Ardeur World Marketing Corporation.

Ayon kay Valmores noong 2018, ginamit umano ng respondent sa ilalim ng kanyang business organization na Exodus Philippines 79 Marketing Advertising and Promotion Team ang logo ng Ardeur World Marketing Corporation sa isang beauty pageant sa Polangui, Albay na walang paalam.

Ginamit din umano ang kanilang corporate name at logo sa promotional activities nang walang authorization at consent ng korporasyon.

Sa ginanap na coronation night sa pageant ay hindi na umano nagpakita ang respondent at hindi rin binayaran ang mga organizers.

Dahil ayaw madungisan ng complainant ang kanilang korporasyon ay napilitan silang magbayad ng P304,422 para sa 28 katao na hindi nabayaran sa pag-organisa ng beauty pageant ni Advincula.